DUBAI --- Sinisi ng Embassy officials dito ang pelikulang pinagbidahan nina Aga Muhlach at Claudine Barretto, kung bakit dumami ang mga Pinoy na gustong magtrabaho rito gamit lamang ang visit visa na kalimitang inaabuso lamang ng kanilang employer.
Ayon kay Philippine Ambassador to United Arab Emirates Libran Cabactulan, simula nang maipalabas sa Pilipinas ang pelikulang Dubai, may ilang taon na ang nakararaan, dumagsa na ang mga Pinoy na gustong magtrabaho sa bansang ito kahit walang working visa.Aniya, sa sampung Pinoy na pumapasok sa bansa gamit ang visit visa, dalawa lamang dito ang sinusuwerteng makakakuha ng trabahong may sapat na suweldo.
“‘Yung walo roon, sila ‘yung mga nabibiktima,” ani Cabactulan.
Dahil sa 30 araw lamang ang itatagal ng visit visa, napipilitan ang ibang Pinoy na kagatin ang trabaho kahit mababa ang suweldo at mahaba ang working time sa mga araw na malapit nang mapaso ang kanilang visa.
“Ang pelikulang ‘yon kasi ang dahilan!” sabi pa ng ambassador.Kinumpirma rin ito ni labor attaché Virginia Calvez sa pagsasabing dahil sa pelikula nina Aga at Claudine ay lalong dumami ang mga Pinoy na gustong magtrabaho rito sa Dubai.
“Akala kasi nila, masarap ang buhay rito dahil sa napanood nila pero hindi naman totoo ‘yung nasa pelikula,” wika pa ni Calvez.Araw-araw ay umaabot sa 500 Filipino ang dumarating sa Dubai gamit lamang ang visit visa.
Tiwala naman si Senate President Pro-Tempore Jinggoy Estrada na sa kanyang pelikulang “Katas ng Saudi”, hindi nito maeengganyo ang mga Pinoy na magtrabaho ng iligal sa ibang bansa.
Si Estrada ay nandito rin sa Dubai para sa 5-day official visit nito sa UAE. Kabilang sa kanyang layunin dito ay mabisita ang mga minaltratong OFWs.
No comments:
Post a Comment